Thursday, October 29, 2009

Pinaka nakakahiyang experience ko nangyari sa mall

Nang minsang narinig ni Rodolfo Reyes o kilala din sa pagiging tatay ko, ang katagang “humayo kayo at mag-pakarami” buong puso niya itong sinunod. Mula pagkabata alam ko na meron akong dalawang mas nakatatandang lalaking kapatid sa ama. Nasa Cebu sila kaya hindi kami close, tuloy wala akong maikukwento sa inyo tungkol sa kanila.

Pa-fourth year na ako noon ng sinabi sa akin ni mama na nalaman nyang meron pa akong isang lalaking kapatid na nasa Mindanao naman(itago natin sya sa pangalang Facundo). Hindi na ako nagulat, pero ng maisip-isip ko ang ideyang kalat pala ang lahi namin sa Pilipinas natuwa ako.

Yung dalawa sa Cebu nakita na ako at parehas yata ang nasa isip namin na wala na kaming paki-alaman, samantalang si Facundo hindi pa. Sa kalagitnaan ng panunuod namin ni mama ng pelikula ni Sharon Cuneta na “Caregiver” nakatanggap si mama ng text galing kay Facundo, nasa bahay daw sya. Kahit wala pa sa kalagitnaan ang napanuod namin wala na kaming choice kung hindi umuwi.

Habang pauwi iniisip ko anong magiging itsura ko kasama sya. Ayaw ko kasi ng mga sitwasyong madradrama o kahit ano mang napapanuod mo sa telenovela, nababaduyan ako. Noong nasa bahay na kami tahimik lang ako at hindi kumikibo. Parang kahit hindi ako marunong maghugas ng pinggan gusto kong maghugas wag lang ako ma-stock sa sala kasama sya. Buti pagkatapos naming pumayag para ipasyal nya kami ni mama sa labas ay umuwi na sya.

Nung araw ng lakad namin, umiwas ako sa kanya hanggang kaya ko at kinausap ko lang sya kung tinatanong nya ako. Ilang beses nya akong pinilit na magturo pero humindi ako, dahil hindi naman talaga ako nagpapabili ng kung ano sa ibang tao, at isa pa may kamahalan ako magturo pag inaanlok.

Kinausap ako ni mama na bumili na lalo na nung inalok na ako ng rubber shoes. Dahil minsan ko na sa kanyang nabanggit na gusto kong bumili ng bago. Malinaw pa sa akin yung sinabi ni mama “Ja bumili ka na para di ako mahirapan(sa bugeting) tsaka para di sumama yung loob nyan” (nasa normal tone nya lang sinabi yun na parang may halong lungkot). Hanggang ngayon pag naiisip ko yung naging reaksyon ko natatawa na lang ako. Umiyak kasi ako sa loob ng mall, ewan ko kung bakit, para tuloy akong bata. Ang mas nakakahiya pa nasa men’s footwear section kami at nakikita ko yung mga saleslady na nakatinggin sa akin. Ang iniisip siguro nila kaya ako umiiyak ay dahil di ako ibinili ng rubber shoes ng nanay ko! Nakakahiya! Ngayon habang sinusulat ko to tawa pa rin ako ng tawa. Hahaha!...Hahaha!...Hahaha!

Syempre nakita ako ni Facundo na umiiyak at nag-akala syang sya ang dahilan ng pag-iyak ko, kaya nagyaya na syang umuwi. Salamat natapos din ang stress ko. Kinabukasan tinubuan ako ng limang tigyawat. Tag isa sa magkabilang sentido, dalawa sa kaliwang pisngi, at isang malaki sa gitna ng noo.

No comments:

Post a Comment